Wednesday, June 8, 2016

Bible Exposition ng Ang Dating Daan, Mapapanood na sa Facebook Live sa Kauna-unahang Pagkakataon

May katanungan ka ba tungkol sa Biblia, Kristiyanismo, o pananampalataya?

Maaari nang mapanood ang Ang Dating Daan Worldwide Bible Exposition ni Bro. Eli Soriano sa Facebook sa darating na ika-10 Hunyo taong kasalukuyan, 6:30 ng gabi, sa kauna-unahang pagkakataon.

Ang  paggamit ng Facebook Live sa naturang event ay opisyal na inanunsyo sa pagkakatipong Pasalamat noong ika-4 ng Hunyo ni Bro. Daniel Razon na nasa South Korea.

Mula sa South Korea, si Bro. Daniel Razon ay nag-aanyaya sa darating na Bible Exposition
sa Biyernes, ika-10 ng Hunyo(Photo credit: Photoville International/Vennzaar Paulo)

Halos lahat na yata ng mga tao ngayon ay may account sa Facebook kaya naman minabuting gamitin ito nila Bro. Eli at Bro. Daniel upang lalong marami pang mga tao ang maabot ang pangangaral ng mga salita ng Dios.

Test Broadcast

Upang matiyak na makapaghahatid nang maayos na serbisyo sa ating mga kababayan, nagsagawa ng test broadcast nitong nakaraang ika-6 ng Hunyo sa Facebook page ng Ang Dating Daan at inere nang live ang programang "Itanong Mo Kay Soriano" mula sa istasyong UNTV Life bandang ika-9 ng gabi.

Screenshot mula sa facebook.com/AngDatingDaanTV
Ang naturang test broadcast ay naging matagumpay sa awa't tulong ng Dios. Umabot sa pinakamataas na dalawang libong Facebook users ang sabay-sabay na nakapanood at may mahigit sa limang libong komento ang nakuha ng naturang video -- patunay lamang na maraming tao ang nagkaroon ng mabuting pagkakataon upang mapakinggan ang pangangaral ng Kapatid na Eli sa social media.

Maraming natuwa sa balitang ito dahil kahit saan mang dako naroroon, basta't may laptop o cellphone na may internet o data connection, ay maaari nang makapakinig.

Hindi Lang sa Facebook

Kasama rin sa gagamiting social media platform ang opisyal na YouTube channel ng Ang Dating Daan. Dati nang ginagamit ang YouTube tuwing may Spanish at Portuguese broadcast nguni't sa kauna-unahang pagkakataon din ay gagamitin ito para sa Bible Exposition sa wikang Filipino.

Ang Simula

Nagsimula ang Bible Exposition taong 1993 sa Roosevelt upang ilapit sa mga tao ang pagkakataong masagot ang kanilang mga duda patungkol sa relihiyon at pananampalataya.

Magmula noon ay regular na itong isinasagawa na siya namang nagbibigay-daan upang maliwanagan ang mga kababayan natin sa iba't ibang dako ng mundo patungkol sa Biblia.